MANILA – Nai-reserba na raw ng Department of Health (DOH) ang supply ng ikalawang doses ng Sinovac vaccine na nakatakda na ring iturok ngayong buwan sa mga nakatanggap ng unang dose.
Sa ilalim ng emergency use authorization na iginawad ng FDA, 28-araw ang pagitan sa paga-administer o pagbibigay ng una at ikalawang dose.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, plantsado na at wala nang problema sa deployment ng Sinovac vaccine.
“Yun pong sa Sinovac, talaga pong nakatabi na ‘yung second dose. For the simple reason that the interval between the first and the second dose is only 28 days,” ani Duque sa public address ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi.
Sa huling tala ng DOH, higit 193,000 na Pilipino na ang nabakunahan ng COVID-19 vaccines na Sinovac at AstraZeneca.
Inamin ni Sec. Duque na hindi tulad ng Sinovac vaccine, uubusin na agad ng pamahalaan para sa unang dose ang pamamahagi ng 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines na donasyon ng COVAX Facility.
“Puwede na nating gamitin lahat ng 525,000 AstraZeneca vaccines as first dose.”
Ayon sa kalihim, hihintayin na lang ng gobyerno na dumating ang ikalawang batch ng British-Swedish vaccine na manggagaling din sa inisyatibo ng World Health Organization.
Paliwanag ni Sec. Duque, mas matagal ang interval o pagitan ng pagbibigay ng second dose ng AstraZeneca vaccine mula sa unang dose, na nasa pagitan ng 12 linggo o tatlong buwan.
Ang stratehiya na ito raw ay makakatulong para hindi masayang ang supply ng AstraZeneca vaccine na may maagang expiry date.
Una nang inamin ng DOH na hanggang Mayo ngayong taon pwedeng gamitin ang mga bakuna ng AstraZeneca na nandito sa Pilipinas.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sa ngayon kasi ay wala pang bakuna na dinivelop para sa mas matagal na storage dahil itinuturing pa na developing ang sitwasyon ng COVID-19 pandemic.
“Purposively ang ginawa talaga, ang pinakamahabang expiry date ngayon ng mga bakuna sa ngayon (ay) 6-months dahil alam ng manufacturers na evolving yung ating sitwasyon at maaaring kailangan nilang baguhin o i-ayos itong mga bakunang pinapagamit sa bansa.”
“Yung dumating sa atin (na AstraZeneca vaccines), yan po yung expiry sa end ng May pero nakaayos na yung strategy natin.”
Batay sa datos ng DOH, aabot sa higit 1.1-million doses ang supply ng Pilipinas ngayon sa bakuna.
Bago matapos ang Marso, inaasahan ang pagdating pa ng karagdagang 1.4-million doses ng Sinovac vaccine na binili ng pamahalaan, at may parteng donasyon ng China.