ILOILO CITY – Malaki ang posibilidad na makuha ng Pilipinas ang pangalawang back-to-back win sa kasaysayan ng Miss Universe.
Ito ang kasunod ng preliminary competition na isinagawa kung saan isa ang pambato ng Pilipinas na si Gazini Ganados sa umangat sa kompetisyon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Norman Tinio, pageant expert/blogger, sinabi nito na hindi maikakaila na isa si Ganados sa mga strong contender kasama ang pambato ng France, India, Colombia at Thailand.
Ayon kay Tinio, maganda ang performance ni Ganados lalo na sa swimsuit competition at hindi rin nagpahuli sa evening gown at national costume na maitituring na kakaiba sa lahat.
Inihayag ni Tinio na maliban sa preliminary competition, isa rin sa mga basehan sa pagpili ng Top 20 na uusad sa Miss Universe pageant ay ang closed-door preliminary interview at iba pang aktibidad bago ang pageant.
Sinabi rin ng pageant expert/blogger na kung si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach ay surprise win, si Miss Universe 2018 Catriona Gray ay sure win, si Gazini Ganados naman ay maituturing na best win.
Sakali namang hindi palarin sa back-to-back win, sigurado si Tinio na pasok ang 23-year-old Cebuana beauty sa mga runner-up.