-- Advertisements --

Iniulat ng Armed Forces of the Philippines na nasa kabuuang 28 rotation and resupply mission ng militar noong nakaraang taong 2023 sa iba’t-ibang bahagi ng West Philippine Sea ang naging matagumpay.

Ito ay sa kabila ng mga ginawag panghaharass ng China Coast Guard sa mga tropa ng militar na maghahatid lamang ng supply sa mga tauhan ng Pilipinas na nakabase sa iba’t-ibang features sa WPS partikular na sa bahagi ng Ayungin shoal kung nasaan ang nakasadsad ang BRP Sierra Madre.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, mula sa naturang bilang halos kalahati nito ang nakaranas ng mga illegal actions ng China sa WPS.

Kabilang na rito ang tatlong major harassment ng CCG at Chinese Maritime Militia vessels na naitalang naranasan sa 14 na misyon ng militar sa Ayungin shoal noong buwan ng Agosto, Nobyembre, at Disyembre ng nakalipas na taon.

Ang mga pangbubully na ito ay kinabibilangan ng mga water canon incidents, dangerous manuevers at marami pang iba.

Samantala, kaugnay nito ay nilinaw naman ni Commo. Trinidad na hindi nakabatay sa interference o intervention ng China ang tagumpay ng kanilang misyon sa WPS kundi sa mismong matagumpay na pagdadala ng mga supply sa mga tropang nakabase sa 9 na features sa naturang lugar.

Kung maaalala, una nang iniulat ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na naging matagumpay ang ginawang RoRe mission ng militar sa Ayungin shoal nang walang panggagambala mula sa China Coast Guard.

Kasabay nito ay muling binigyang-diin ng tagapagsalita na ang RoRe mission WPS ay bahagi ng regular operations ng Pilipinas na alinsunod sa constitutional mandate at tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga tropa ng militar na nakabase sa mga inokupahang isla ng Pilipinas sa WPS.