Kinumpirma ng Hong Kong Drainage Services Department ang 18 kaso ng pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Hong Kong pasado alas-8 ng umaga noong Martes, Agosto 6 kabilang ang isang paradahan sa Tseung Kwan O at ilang flood-prone areas sa Hong Kong Island.
Gumamit ng makabagong robotic technology ang ahensya at nakaresponde na sa 11 kaso ng baha pagsapit ng tanghali.
Sa bahagi ng King Yin Lane car park, halos 20 sasakyan ang lubog parin sa tubig-baha, kabilang ang isang taxi na halos hindi na makita ang mga bintana.
Walo sa mga sasakyan ang naiwan pa rin sa lugar makalipas ang ilang oras.
Nanawagan naman ang mga may-ari ng sasakyan sa gobyerno na i-upgrade ang drainage system sa lugar upang maiwasan ang mga ganitong insidente.
Ayon kay Sai Kung District Councillor Christine Fong Kwok-shan, gumamit ng robot para kontrolin ang tubig-baha sa parking lot at humingi ng tulong sa Fire Services Department upang alisin ang mga na-stranded na sasakyan.
Iminungkahi rin ni Fong na isama ang parking area sa listahan ng flooding blackspots at magpatupad ng real-time flood monitoring system para makapagbigay ng babala sa mga motorista.
May naiulat ding pagbaha sa Pik Sha Road sa Sai Kung at sa Tin Hau Temple sa Hang Hau. Habang sa Chai Wan, dalawang ambulansya ang na-stranded matapos masira ang makina sa gitna ng serye ng pag-baha sa slope malapit sa Salesian School.
Kabilang din sa mga apektado ang Shau Kei Wan, kung saan umabot sa ankle sa labas ng Fortune Mansion, habang knee-high na baha naman ang naitala sa labas ng Quarry Bay MTR Exit A.
Ayon sa isang mambabatas sa bansa, bagama’t malakas ang ulan, nananatiling kontrolado ang sitwasyon sa Eastern District.
Nakapag-deploy narin ang mga awtoridad ng 180 emergency teams at nagsagawa ng inspeksyon at clearing operations sa 240 drainage hotspots sa lungsod.
Bukas din ang Emergency Co-ordination Centre ng Home Affairs Department, na nagtayo ng 8 pansamantalang evacuation shelters para sa mga apektadong residente sa ilalim ng Black Rainstorm warning.