Aabot na sa 258 katao ang napaulat na binawian ng buhay, 47 ang nawawala, at 568 naman ang sugatan ng dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa kanilang latest report, sinabi ng NCRRMC na tanging 11 fatalities lamang ang kumpirmado kabilang na ang naitala sa Palawan, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Bohol, Bukidnon, at Misamis Oriental.
Karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pagkalunod at matapos na tamaan ng mga bumagsak na puno.
Kabuuang 2,196,432 indibidwal o 585,029 pamilya ang apektado ng bagyo sa 4,566 barangays.
Sa ngayon, 486,361 indibidwal o katumbas ng 122,575 families ang nananatili pa sa ngayon sa 2,535 evacuation centers, habang 123,341 indibidwal o 29,906 pamilya naman ang nakikisilong sa bahay ng kanilang mga kaanak o kaibigan.
Sinabi ng NDRRMC na nasa 136,369 bahay ang napinsala, kung saan 83,633 dito ang partially damaged habang 52,736 naman ang totally damaged.
Nagkakahalaga naman ng P1,152,834,160 ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Odette sa sektor ng agrikultura at P2,537,507,000 naman sa mga imprastraktura.