-- Advertisements --

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Interior and Local Government (DILG) na magsanay ng nasa 250 police riders para panlaban o panghabol sa mga motorcycle-riding criminals.

Sa kanyang public address kagabi, sinabi ni Pangulong Duterte na nakakabahala ang pagtaas ng mga street crimes na kinasasangkutan ng mga naka-motorsiklo kasunod ng pagbubukas ng ekonomiya at pagluluwag sa mga quarantine restrictions.

Ayon kay Pangulong Duterte, nahihirapan ang mga otoridad na habulin ang mga motorcycle-riding criminals o kilala ring riding-in-tandem dahil madali silang nakalulusot sa trapiko at nakakadaan maging sa mga eskinita.

Kaya nais ni Pangulong Duterte na sanaying mabuti ang mga pulis sa paggamit ng motorsiklo at hindi sila dapat naka-uniporme para hindi makilala ng mga kriminal.

“This is very hard to control. I understand the nightmare the police are facing, how to control the mobility of the criminal right after committing a crime. Kasi ang motor kasi, mag-zigzag lang ‘yan in and out of traffic situations, so they can really get away with it easily. Unlike motor vehicles, ma-ano ng traffic. Pati itong mga motor minsan, dumaadaan pa ng sidewalks. That is of course a matter we have to address,” ani Pangulong Duterte.