CENTRAL MINDANAO-Umaabot sa 250 na mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) at mga masa o taga-suporta ang nagbalik loob sa pamahalaan sa probinsya ng Cotabato.

Ang mga rebelde ay bago lang nagtapos sa isinagawang Peace Building Seminar ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Tulunan North Cotabato.

Karamihan sa mga nagbalik loob ay mula sa kilusang “Komiteng Rebolusyon sa Munisipyo” o KRM matapos ang isinagawang community support program ng militar na sinundan ng serbisyo caravan sa ilalim ng Executive Order 70 o National Task Force Ending Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.

Tampok naman sa aktibidad ay ang isinagawang rally at pasunog ng mga dating mass base supporters at former rebels sa bandila ng kanilang dating kilusan bilang simbolo ng tuluyang pagwawaksi sa ideolohiya ng teroristang NPA.

Katuwang ng militar ang Local Government Unit ng bayan ng Tulunan Cotabato sa pamumuno ni Mayor Reuel “Pip”Limbungan at provincial government sa aktibidad.

Tema ng nasabing aktibidad “Panday Kalinaw” o Cultivate The Peace.

Nakatanggap din ng Noche Buena Package ang mga rebelde at ang kanilang tagasuporta na kalahok mula sa Lokal na pamahalaan.