Dumating na sa bansa ang 249,600 doses ng Moderna COVID-19 vaccines.

Dakong alas-11:00 ng gabi nitong Hunyo 27 ng lumapag ang eroplanong pinaglagyan ng nasabing bakuna sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport at sinalubong ni vaccine czar Carlito Galvez.

Ayon sa National Task Force Against COVID-19 na ang 150,000 doses ay mapupunta sa gobyerno habang ang 99,600 ay ibibigay sa International Container Terminal Service Incorporated (ICTSI).

Pinangunahan kasi ni Enrique Razon Jr ng ICTSI ang tripartite deal na pinirmahan ng gobyerno ng Pilipinas at American company.

Mayroong 20 milyon Moderna doses ang inaasahang darating sa bansa sa 2021 kung saan pitong milyon dito ay binili ng private sector habang 13 milyon ay binili ng gobyerno sa pamamagitan ng multilateral loans.

Ang Moderna ang siyang pang-limang COVID-19 brand na dumating na sa bansa kasunod ng Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V at Pfizer-BioNTech.