-- Advertisements --

Ipina-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang 23 Tsino na sangkot sa iligal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at cyber fraud noong Nobyembre 21.

Ang deportasyon ay kasunod ng kamakailang pagpapatibay ng Anti-POGO Law,  na naglalagay nang mas mahigpit na parusa at nagpapatibay sa kapangyarihan ng pamahalaan na isara ang mga iligal na gaming hub at kaugnay na scam operations.

Ayon kay Atty. Alexi Val Arciaga, Pinuno ng BI Deportation and Implementation Unit, ang 23 banyagang indibidwal ay sinakay sa kilalang Airlines patungong Shanghai Pudong International Airport, mula sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong madaling araw ng Biyernes. 

Lahat ng nasabing indibidwal ay may deportation orders dahil sa paglabag sa immigration laws ng bansa, kabilang ang pagkakasangkot sa POGO-like activities, pandaraya, at pagiging wanted criminals sa kanilang sariling bansa.

“Hangga’t patuloy ang operasyon ng ilegal na online gaming facilities at scam hubs, magpapatuloy ang aming enforcement operations. Asahan ng publiko ang mas marami pang aresto at deportasyon sa mga susunod na araw. Sisiguraduhin naming ang sinumang lumalabag sa ating mga batas ay maaalis nang walang delay,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado.