Ipinagpatuloy ng House Committee on Appropriations ang pagtalakay sa P6.793 trillion na panukalang pondo para sa fiscal year 2026 ngayong Huwebes, Setyembre 4.
Isinalang ngayong araw ang P320.5 billion na panukalang pondo ng Department of Health (DOH), attached agencies nito at corporations.
Ang DOH ang nakakuha ng ikatlong pinakamalaking alokasyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), kasunod ng Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa budget hearing, nausisa ang usapin may kaugnayan sa bagong programa ng DOH na zero balance billing (ZBB) na inanunsiyo ni Pangulong Fedinand Marcos Jr. sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) na ipinapatupad sa DOH hospitals.
Sa interpelasyon ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party list Rep. Antonio Tinio kay Health Secretary Ted Herbosa, natanong ng mambabatas ang kalihim kung magkano ang kakailanganing karagdagang pondo ng ahensiya para masaklaw din sa zero balance billing ang outpatient.
Idinulog ito ni Rep. Tinio matapos sabihin ni Sec. Herbosa na 30% ng pondo na gagamitin para sa zero balance billing ay magmumula sa ibinabayad ng outpatients na hindi saklaw sa programa, na nagbibigay ng libreng basic accommodations sa mga pasyenteng maaadmit sa DOH hospitals.
Piniga ni Rep. Tinio ang kalihim na magbigay ng estimated na halaga ng kailangang pondo para masaklaw na rin sa Zero balance billing ang mga outpatient para makapaglaan ng pondo.
Ayon sa mambabatas, kung ilalaan ang panukalang pondo mula sa flood control projects ng Department of Public Work and Highways (DPWH) na P250 billion para masaklaw ang outpatients sa public hospitals ay malaking ginhawa aniya ito sa mga mamamayang Pilipino.