VIGAN CITY – Ipinalabas na ng Commission on Elections (COMELEC) ang nabalangkas na calendar of activities para sa May 2020 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ito ay sa kabila ng mga umuugong na balita na maaari itong maipagpaliban sa taong 2022 alinsunod sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-apat na State of the Nation Address nito.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni COMELEC spokesman James Jimenez, muli nitong sinabi na tuloy-tuloy lamang ang pagsunod nila sa kanilang nakatakdang timeline para sa nasabing halalan sa susunod na taon.
Wala pa nama aniya kasing bilin ang en banc at ang Kongreso hinggil sa pagpapaliban nito.
Sa ipinalabas na COMELEC resolution 10573, ang election period ay nakatakda sa March 12 hanggang May 18 dahil ang paghahain ng certificate of candidacy ay magsisimula sa March 12 hanggang March 19 samantalang ang campaign period ay isasagawa sa May 1 hanggang May 9.
Ang deadline naman para sa paghahain ng statement of contributions and expenditures ay nakatakda hanggang June 10, 2020.