Binuksan na ng pamahalaan ang P20 rice program sa 18 National Food Authority (NFA) warehouse sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ito ay para sa mga magsasakang nagnanais bumili ng bigas.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang bawat NFA warehouse ay maglalagay ng Kadiwa Kiosk kung saan ilalabas ang mga bentang bigas. Dito maaaring pumila ang mga consumer upang bumili ng bigas na ibinebenta sa presyong P20 kada kilo.
Magsisimula ang bentahan, alas-9 ng umaga at magtutuloy-tuloy ito hanggang hapon.
Tanging ang mga magsasaka at mag farm worker na naka-rehistro sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang mga kwalipikadong bibili nito, batay sa panuntunang inilabas ng DA.
Maaaring makabili ang mga kuwalipikadong magsasaka ng hanggang sampung kilo ng bigas kada buwan. Maaari din silang makabili ng hanggang 50 kilos o limang-buwang alokasyon sa isang bilihan kung ito ang mas pipiliin ng mga magsasaka.
Kailangan lamang na ipakita ng mga ito ang kani-kanilang RSBSA ID o QR Code sa mga verifier, kasama ang valid ID.
Kung wala pang QR Code, maaaring gumawa sa https://p20.da.gov.ph o i-scan ang QR code na ibinigay ng DA.