Dumipensa ang ilang kongresistang may-akda ng panukalang pagpapaliban sa 2020 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa mabilis na pag-apruba dito ng House Committee on Suffrage kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Isabela Rep. Faustino Dy na ang Commission on Elections (COMELEC) mismo ang nakiusap sa Kongreso na kung maaari ay bilisan ang pagpasa sa mga panukala para sa postponement ng Barangay at SK polls.
Ayon kay Dy, mas mainam alinsunod sa COMELEC kung sa lalong madaling panahon ay maprubahan na ito ng Kongreso upang hindi na rin gagastos pa ang poll body para sa mga kagamitan na gagamitin dito sa susunod na taon.
“Sinabi nila sa committee hearing na ma-urgent na ito as soon as possible. Kasi by law, kung hindi raw po maipasa kaagad ito ay they have to purchase all these necessary materials for the conduct of elections for 2020, so kailangan na raw po talagang mapasa ito,” ani Dy.
Samantala, sinabi naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na napaka-simple ng panukala kaya naging mabilis ang pag-apruba ng komite sa consolidated bill na ito.
Sa nakalusot na panukala sa komite, ililipat ang Barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng Mayo ng taong 2023.