Natagpuan ang bangkay ng nawawalang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver na si Raymond Cabrera sa Barangay Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija nitong 11 Hulyo 2025, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Si Cabrera ay huling namataan noong 18 Mayo, matapos magsakay ng pasahero malapit sa isang casino hotel sa Parañaque City.
Ayon sa NBI, tatlong suspek ang kusang sumuko kay Manila Mayor Isko Moreno noong Huwebes ng gabi at inaming sila ang may kagagawan ng krimen.
Dalawa sa kanila ang nagturo sa lugar kung saan itinapon ang bangkay ng biktima.
Bagama’t hindi pa inilalabas ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Isasailalim din sa confirmatory tests ang natagpuang bangkay para pormal na makilala.
Humihingi na umano ng kapatawaran ang mga suspek sa pamilya ni Cabrera.