Inaasahang makakalabas na ang unang batch na binubuo ng 20 Pilipino na stranded sa Gaza patungo sa Egypt sa pamamagitan ng pagtawid sa Rafah Crossing bukas, araw ng Linggo, Nobyembre 5.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo De Vega, ang ikalawang batch naman na binubuo ng 30 Pilipino ay inaasahang makakalabas na sa Lunes o sa susunod na 2 araw.
Sa ngayon, tanging nasa 23 pa lamang aniya ang mga Pilipino doon sa Gaza ang nagpahayag ng pagnanais na lisanin ang lugar habang 8 iba pa ang nagpasyang manatili.
Sakaling makatawid na aniya ang 43 Pilipino sa border patungong Egypt, sasalubungin sila ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Cairo, Egypt at sa loob ng 72 oras ay kailangan ng umalis ng mga ito dahil transit visa lamang ang kanilang hawak.
Sinabi din ng DFA official na nakatanggap ang gobyerno ng PH ng notice mula sa kanilang counterpart sa Israel na lahat ng 136 Pilipino sa Gaza ay nabigyan ng approval o clearance para makalabas sa kabisera ng Palestine sa gitna ng patuloy na giyera.
Sa nasabing bilang, nasa 2 Pilipinong doktor na ang nakatawid sa border at kasalukuyang nasa ligtas na kalagayan doon sa Egypt.
Inihayag pa ng DFA official na walang Palestinian officials na kamag-anak o asawa ng mga Pilipino ang pinayagang makalabas mula sa Gaza.