Muling bubuksan ng Philippine National Railways (PNR) ang biyahe ng tren mula Calamba, Laguna hanggang Lucena, Quezon at pabalik simula Lunes, Hulyo 14, 2025.
Ayon sa PNR, ang pagbabalik-operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang ligtas at maginhawang paglalakbay ng mga pasahero.
Sasaklawin ng ruta ang mga istasyon sa Lucena, San Pablo, at Calamba, pati na rin ang mga flagstop sa Sariaya, Lucutan, Candelaria, Tiaong (Lalig), IRRI, College, Los Baños, Masili, at Pansol.
Ang pamasahe ay nasa dating P15 hanggang P105, habang may diskuwento para sa mga senior citizen, PWD, at estudyanteng may valid ID.
Matatandaang itinigil pansamantala ang biyahe noong Hunyo 17 para sa pagsasaayos ng mga tren.
Bahagi rin ito ng paghahanda sa paglipat ng mga tren mula Maynila patungong Quezon at Bicol.