Arestado ng PNP intelligence operatives ang dalawang miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Laguna at Quezon City sa ikinasang law enforcement operations kahapon, Sabado, December 5,2020.
Naaresto bandang alas-6:20 kagabi si Romeo Aytona Jr. alias Alon, 45 years old ng mga intelligence operatives ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa may bahagi ng EDSA corner Kamias Road.
Si Aytona ay may Warrant of Arrest na inisyu ni Hon. Francisco Donato, Presiding Judge ng RTC Branch 33 ng Ballesteros, Cagayan at nahaharap sa tatlong criminal cases ang Arson, Murder at violation sa Human Security Act.
Batay sa police records, si Aytona ang Squad Leader ng West Committee, Danilo Command Northern Front na nago-operate sa Cagayan.
Sa kabilang dako, bandang alas-5:10 ng hapon, kahapon, isang police team mula sa Sta. Teresita at Sto.Niño, Cagayan sa pakikipag-tulungan sa Laguna Police Provincial Office, isinilbi ng mga ito ang Warrant of Arrest laban kay Joenel Lazo alias Joenel Gallardo, “Ka Sendo” sa may Olivarez Homes, Phase 3, Brgy. Sto. Tomas, Biñan City, Laguna.
Batay sa ulat si Lazo ay kabilang sa Most Wanted Person CPP/NPA Terrorist sa Cagayan Valley Region 2 at nahaharap sa 10 counts of Murder; 10 counts of Attempted Murder; Rebellion; Arson; Illegal Possession of Explosives/ Ammunitions at Grave Coercion.