-- Advertisements --

Sinampahan na ng kaso ng PNP CIDG ang mga nasa likod ng kontrobersiyal na vaccine slot for sale.

Ayon kay PNP-CIDG director, Brig. Gen. Albert Ferro, kabilang sa mga kinasuhan ay sina Cycle Cedric Bonifacio at Melvin Polo Gutierrez.

Kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o estafa, paglabag sa anti-red tape law of 2007 at paglabag sa anti-cybercrime law ang isinampa ng CIDG sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office laban sa dalawang suspeks.

Nililaw naman ni Ferro na hindi empleyado ng Mandaluyong City Hall sina Bonifacio at Gutierrez taliwas sa naunang lumabas na balita.

Una nang ibinunyag ng vlogger na si Nina Elaine Dizon ang maanomalyang transaksiyon kung saan maaaring makakuha ng slot sa bakuna sa mga lungsod ng Mandaluyong at San Juan ang mga biktima ng dalawa kahit hindi sila residente ng mga nasabing siyudad.

Sa panig naman ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, sinabi nito na patuloy pa rin ang imbestigasyon ng CIDG kaugnay sa nasabing kaso na posibleng may iba pang mga indibidwal ang sangkot dito.

Inihayag pa ni PNP chief, “noong sumuko itong si Bonifacio sa atin at nagbigay ng pahayag, pinangalanan niya si Gutierrez, isang fire at barangay volunteer na umano’y tumutulong sa kaniya na makakuha ng vaccination slot sa Mandaluyong City.”

“Magsilbing babala sana ito sa iba pang magtatangkang dayain ang sistema ng ating national vaccination program ang ating pagsasampa ng kaso laban kay Bonifacio at Gutierrez,” pahayag ni Eleazar.

Pinaalalahanan ni Eleazar ang publiko na hindi dapat maglabas ng pera para lamang sa pagbabakuna dahil libre ito mula sa gobyerno.