-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa publiko dahil maaaring bumagsak ang panibagong inilunsad ng China na Long March 8A rocket malapit sa mga katubigan sa Basilan, Tubbataha reef at Recto Bank malapit sa Palawan.

Sa inilabas na Notice to Airmen (NOTAM) mula sa PhilSA, inaasahang bumagsak ang debris mula sa rocket sa loob ng natukoy na drop zones na tinatayang nasa 130 nautical miles (NM) mula sa El Nido, Palawan, 55 NM mula sa Tubbataha Reef Natural Park at 27 NM mula sa Hadji Muhtamad, Basilan.

Nauna na ding kinumpirma ng ahensiya na inilunsad ang Long March 8A rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan kaninang alas-3:09 ng umaga ngayong Martes, Agosto 26.

Ipinakalat naman ng ahensiya ang naturang report sa mga ahensiya ng gobyerno at mga awtoridad bago ilunsad ang rocket.

Hindi naman nakikitang babagsak ang rocket debris sa kalupaan o sa mga kabahayan, subalit maaaring magdulot ito ng banta at posibleng panganib sa mga sasakyang pandagat, panghimpapawid, fishing boats at iba pang barko na dumadaan sa nabanggit na drop zones.

Maaari ding lumutang sa lugar at matangay sa karatig na mga baybayin kayat pinapayuhan ang publiko sakaling makita ang rocket debris ay ipagbigay alam ito sa mga lokal na awtoridad at huwag lapitan dahil posibleng naglalaman ito ng delikadong substance gaya ng rocket fuel.