-- Advertisements --

Iniulat ng pamunuan ng Bureau of Customs ang plano nitong pagsasagawa ng reporma sa kwestyonableng online duty and tax calculator sa susunod na linggo.

Layon ng hakbang na ito na magamit ng publiko para sa kanilang mga inaasikasong shipment.

Sa isang pahayag, sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, ipinag-utos na nito sa kanilang mga Deputy Commissioner for Information Technology na bilisan ang pagsasaayos ng website.

Target na maisama ang mga bagong feature para sa mas maayos na pagkalkula ng buwis sa mga shipment.

Ipinaliwanag niya sa Bagong Pilipinas Ngayon na kabilang dito ang kumpletong listahan ng mga tax rate at charges sa mga ipinapadalang item, at ang user-friendly na interface para sa publiko.

Ayon kay Nepomuceno, inaayos pa ang online duty and tax calculator ng Customs at inaasahang mai-upload muli sa susunod na linggo.

Ito ay kasunod ng pagpapalit ng deputy commissioner for IT. Pansamantalang tinanggal ang calculator matapos ireklamo ni Bela Padilla ang paniningil sa kanya ng PhP4,600 para sa PhP11,000 na halaga ng shipment, kahit PhP1,650 lamang dapat ang bayaran base sa dating kalkulasyon.