-- Advertisements --

Arestado ang dalawang indibidwal sa lungsod ng Caloocan dahil sa pagiging sangkot sa mga kasong extortion, sim fraud, money laundering at financing of terrorism.

Sa isinapublikong pahayag ng National Bureau of Investigation, kanilang ibinahagi ang matagumpay na pagkakaaresto sa mag-asawang sina Christopher at Maria Elena Capitulo sa Dagat-dagatan, Caloocan City.

Nag-ugat umano ito sa reklamo ng isang Pilipinong negosyante na dumulog sa NBI – Origanized and Transnational Crime Division dahil sa ilang taong pagbabanta mula sa indibidwal na nagpapakilala bilang ‘Ka Ferdie’.

Sinasabing may koneksyon at ugnayan rin daw itong kinilalang si ‘Ka Freddie’ sa NPA o New People’s Army.

Anila’y kingikilan ang mga biktima simula taong 2018 pati pamilya nito at naghahangad pa ng taunang kabayaran para lamang sa kanilang proteksyon o seguridad.

Umabot ng higit dalawa’t kalahating-milyon Piso ang nai-deposito sa isang bank account kasunod ng mga natanggap na pagbabanta gamit ang isang cellphone number.

Matapos ang imbestigasyon at isinagawang pagbeberipika, natunton ng NBI ang dalawang suspek sa pamamagitan ng pag-trace sa number na ginamit sa pangingikil.

Dito na isinakatuparan ng naturang kawanihan ang entrapment operation upang tuluyan ng mahuli at maaresto ang suspek na mag-asawang Capitulo.

Bunsod nito’y idinala ang mga arestadong suspek sa National Bureau of Investigation – Origanized and Transnational Crime Division para isailalim sa inquest proceedins sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Binigyang diin ng NBI na sila’y seryoso pagdating sa mga ganitong uri ng kaso at kanila umanong ipagpapatuloy ang paghahabol at pagbuwag sa mga criminal networks na may kinalaman sa extortion, financial fraud at iba pa.