Dalawang Pilipino ang binawian ng buhay habang anim na iba pa ang sugatan sa nangyaring pagsabog sa Beirut, Lebanon, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Sinabi ni DFA spokesperson spokesman Ed Meñez na base sa ulat ng Philippine Embassy sa Beirut, nasa bahay ng kanilang mga amo ang dalawang Pilipinong nasawi nang mangyari ang pagsabog.
Sa hiwalay na statement, sinabi ng DFA na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy sa Filipino community sa Lebanon para ma-assess ang sitwasyon at makapagbigay na rin ng tulong sa mga apektadong Pilipino.
Ayon kay Meñez, nasa humigit kumulang 30,000 Filipinos ang nasa Lebanon sa ngayon, kung saan 75 percent dito ay nasa greater Beirut area.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Lebanese authorities sa kung ano ang dahilan nang pagsabog.
Pero maari anila na ito ay dahil sa highly explosive ammonium nitrate na nakaimbak sa sang warehouse sa pantalan.
Papalo na sa 78 katao ang nasawi habang nasa 4,000 naman ang sugatan sa pagsabog sa pantalan.