-- Advertisements --

Nanawagan si Senador Panfilo “Ping”  Lacson sa Department of Trade and Industry (DTI) at Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) na imbestigahan at magsampa ng mga kaukulang kasong kriminal at administratibo laban sa dalawang miyembro ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) dahil sa lantad na conflict of interest.

Ayon kay Lacson, sina Engr. Erni Baggao at Arthur Escalante ay sabay na nakaupo bilang PCAB board directors habang may-ari rin ng kani-kanilang construction companies na kumukuha ng kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Muling itinalaga si Baggao para sa tatlong taong termino bilang miyembro ng PCAB board noong Setyembre 2023, habang nananatili rin bilang authorized managing officer ng EGB Construction, isang kontratista para sa mga proyektong pamahalaan.

Samantala,  si Escalante naman, habang nakaupo bilang direktor ng PCAB, ay siya ring may-ari ng A.N. Escalante Construction Inc.

 Ipinapakita rin umano ng mga record na si Escalante ay sumulat at lumagda ng isang mensahe sa PCAB 2022 annual report bilang isa sa mga board members ng ahensya — habang lumagda rin siya ng kontrata sa DPWH noong Mayo 20, 2022 sa ngalan ng A.N. Escalante Construction Inc., isang kumpanyang nakabase sa Davao City.

Giit niya, malinaw itong paglabag sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magkaroon ng negosyo na direktang nakikinabang sa kanilang puwesto.

Dagdag ni Lacson, taliwas sa pagtanggi ng PCAB, dapat nilang suriin ang mga alegasyon ng katiwalian at ipaliwanag kung paano nakakakuha ng accreditation ang ilang kontratista kapalit umano ng milyon-milyong piso.