CENTRAL MINDANAO – Dalawa ang nasawi nang paulanan ng bala ang mga sakay ng isang Elf truck sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang mga nasawi na sina Omar Pandi, 30, binata at Esmael Mantar, 40, mga residente ng Sitio Palidan, Barangay Bayanga, Matanog, Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Col. Ronald Briones, sakay ang mga biktima sa isang Elf truck na kulay dilaw na may plakang 1201-425186 at may kargang sako-sakong mais patungong Cotabato City.

Ngunit pagsapit nila sa Purok Kulimpang, Barangay Macasandag sa Parang, Maguindanao ay biglang nag-overtake ang isang XRM-125 na motorsiklo na kolor itim at walang plaka kung saan lulan nito ang dalawang hindi kilalang suspek na kapwa naka-helmet hanggang sa namaril gamit ang M16 armalite rifle.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng town proper sa bayan ng Parang.

Patay on the spot ang mga biktima nang magtamo sila ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaril sa mga biktima.