TACLOBAN CITY – Dalawa katao ang naitalang patay samantalang pito naman ang sugatan sa nangyaring shooting incident sa Brgy. Bahay, Santa Margarita, Samar.

Kinilala ang mga namatay na sina Danny Casaljay, 34-anyos, barangay tanod at Orlando Layong Jr, nasa hustong gulang.

Kasama naman sa pitong sugatan ang isang barangay chairman na patuloy na nagpapagaling sa ngayon sa hospital.

Ayon kay PCpt. Reynaldo Rollo, hepe ng Santa Margarita Municipal Police Station, galing ang mga biktima sa Calbayog City at pauwi na sana sa kanilang lugar.

Pagdating naman ng mga ito sa Barangay bahay ay doon na ang mga ito tinambangan ng aabot sa 10 mga indibidwal at pinaulanan ng bala.

Dead on the spot ang dalawa sa siyam na biktima samantala patuloy na nilalapatan ng lunas sa ngayon ang mga sugatan.

Narekober naman sa crime scene ang aabot sa 36 na basyo ng bala ng M55 rifle at .45-caliber na pistola.

Inaalam pa ng mga kapulisan kung ano ang motibo sa naturang insidente.