(Update) BAGUIO CITY – Nakalabas na ang 10 sa mga pasaherong nasugatan sa tumagilid na truck sa Barangay Tapayen, bayan ng Tineg sa Abra kahapon.

Una rito, patay ang dalawang katao habang sugatan ang 23 iba pa na dinala sa Tineg Rural Health Unit dahil sa minor injuries na natamo ng mga ito.

Nakilala ang mga nasawing sina Marites Idao Inon, 43-anyos, at Madelyn Biwet Paingan, 47-anyos.

Batay sa report ng Tineg Municipal Police Station, patungo sana sa Caganayan, Tineg, ang truck na may tatak na ABRAMAZING na walang plaka at minamaneho ng nagngangalang Henrito Tubak, 50-anyos.

Gayunman, nang makarating sila sa junction ng Barangay Alaoa at Barangay Tapayen, nawalan ng preno ang truck kaya bumangga ito sa kanang bahagi ng bundok hanggang sa tumagilid ito.

Kaagad namang rumesponde ang mga otoridad kung saan 15 sa mga ito ay dinala sa Abra Provincial Hospital kasama na ang driver, ngunit idineklarang dead on arrival si Inon habang pumanaw si Paingan habang linalapatan ito ng lunas.

Dinala na sa isang punerarya sa Bangued ang mga namatay, habang nagpapagaling ang iba pang biktima na nasa Abra Provincial Hospital.