CAGAYAN DE ORO CITY – Nasundan pa ang pagpanaw ng paring Katoliko sa kasamahan nito na halos magkasabay na nahawaan ng coronavirus disease mula sa Diocese ng Malaybalay City,Bukidnon na kapwa naka-confine sa Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro City.
Ito ang kinumpirma ni Diocese of Malaybalay spokesperson Fr Vir Delfin matapos pumanaw ang kanilang kasamahan na si Fr Pablo Salinggua na kura paroko sa San Pedro Parish sa Manolo Fortich habang nakikipaglaban sa bayrus sa NMMC nitong Martes ng umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Delfin na maaring nahawaan si Salinggua sa direct contact rin ng virus na nakuha ni late Fr Diomedes Brigoli na mas unang pumanaw habang ginagamot sa NMMC nitong lungsod.
Inihayag ni Delfin na katulad sa ginawa nila kay Brigoli ay agad na isailalim sa cremation ang mga labi ni Salinggua at ililibing sa sarili nila na sementeryo na pinamahalaan ng diocese sa Bukidnon.
Magugunitang maliban sa pagkasawi ng pari ay mayroon pang 10 na kasamahan nito kung saan siyam rito ay nagmula mismo sa Archdiocese ng Cagayan de Oro ang nahawaan ng COVID-19 dahilan na anim sa mga simbahang Katoliko ay pansamantala na isinara dahil sa matinding hawaan dito sa rehiyon.