Nakipag-ugnayan na sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para sa kanilang pagsuko ang dalawang opisyal ng Sunwest Construction and Development Corp., na pagmamay-ari ng dating kongresista na si Elezaldy “Zaldy” Co.
Kinumpirma ni CIDG Director Robert Alexander Morico II sa isang pulong-balitaan ngayong araw na nakipag-ugnayan umano ang dalawang opisyal sa kanilang unit
kaugnay ng nagpapatuloy na paghahanap ng mga awtoridad sa mga indibidwal na sangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Morico, nagpakita ng pagkabahala at takot ang mga dating tauhan ni Co; mukha umanong napabayaan ang mga ito at wala ring personal na abogado kaya’t naisipan na lamang na sumuko sa mga awtoridad.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan sa CIDG ang mga kamag-anak ng dalawang opisyal ng Sunwest sa pamamagitan ng back-channel communication.
Samantala, matatandaan na noong Nobyembre 28 ay nagsagawa ng operasyon ang PNP-CIDG kung saan sinalakay ng kanilang mga tauhan ang isang hotel sa Pasay upang ihain ang arrest warrant sa tatlong opisyal ng Sunwest na pinaniniwalaang nagtatago roon, ngunit nabigo ang operasyon matapos hindi madatnan ang mga pugante na sina Consuelo Dayto Adon, Anthony Li Ngo, at Noel Yap Cao.
Ang kaso ay isinampa ng Sandiganbayan noong Nobyembre 21 laban kay Zaldy Co at 15 iba pa dahil sa alegasyon ng pagkakasangkot ng mga ito sa ghost flood control project sa Oriental Mindoro. (Angelo Aganan)
















