-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nasawi ang dalawang mga miyembro sa New People’s Army (NPA) nang manlaban umano sa entrapment operation ng mga otoridad sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang mga nasawi na sina Raminie Sambilad at isang alyas Ayong.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng PNP-12 at 7th Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Langgal, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.

Akma na sanang kukunin daw ng mga NPA ang extortion money na nagkakahalaga ng P150,000 sa may-ari ng plantasyon ng saging ngunit namataan ng mga NPA na napalibutan sila ng mga sundalo at pulis kaya ang mga ito ay nanlaban.

Nasawi ang dalawang NPA sa engkwentro nang magtamo sila ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Narekober ang mga armas ng mga rebelde, pera at mga personal na kagamitan.

Ang mga rebelde ay miyembro nang tinaguriang Guerilla Front Committee 73 na kumikilos sa Sultan Kudarat, South Cotabato at probinsya ng Cotabato.