-- Advertisements --

Pinarangalan ng 3rd Infantry Division (3ID) si Eduardo Linogon Jr., isang dating miyembro ng New People’s Army (NPA), bilang Outstanding Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary (CAA) ng taon dahil sa kanyang kabayanihan at katapatan bilang bahagi ng 79th Infantry Battalion sa Sagay City.

Si Linogon, 33, ay dating rebelde na sumuko noong 2023 at ngayon ay nakatalaga sa Barangay Caduhaan, Cadiz City bilang CAA.

Naging mahalaga siyang bahagi ng operasyon laban sa mga natitirang miyembro ng NPA sa Escalante City noong Pebrero 2024, kung saan kahit sugatan ay tumulong siya sa neutralisasyon ng tatlong rebelde at pagkakarekober ng 20 armas.

Tinanggap niya ang parangal mula kay Maj. Gen. Michael Samson ng 3ID sa seremonya sa Camp Peralta, Jamindan, Capiz noong Abril 21.

Ayon sa 79IB, ang karanasan at kaalaman ni Linogon sa kilusan ay naging malaking tulong sa mga operasyon ng militar. Si Linogon ay naging ikalawang sunod na CAFGU mula 79IB na ginawaran ng nasabing parangal.