Biniberipika na ng Deaprtment of Foreign Affairs (DFA) ang napaulat na 2 Pilipino na kabilang umano sa mga bihag ng militanteng grupo na Hamas.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, hindi pa 100 porsyentong kumpirmado ang naturang report subalit ipinagpapalagay anilang posibleng kabilang ang mga Pilipino dahil walang sinyales na nasa Israel ang mga 2 nawawalang Pinoy.
Kaugnay nito, nakikipagtulungan na ang DFA sa iba pang mga gobyerno para hingin ang kanilang tulong.
Base kasi sa mga ulat, nasa mahigit kalahati ng tinatayang 200 na mga bihag ay mayroong foreign passports mula sa 25 mga bansa kabilang na ang Pilipinas.
Sa isang briefing naman nitong Miyerkules, sinabi ni De Vega na batay sa Israel authorities isa sa mga nawawalang Pinoy ay lalaki na tinukoy ng Israeli Foreign Ministry na si Jimmy Gelienor Pacheco na binihag.
Bagamat ayon sa maybahay ng umano’y binihag na Pinoy na si Clarice, nakita niya ang kaniyang asawa na kasama sa dinukot ng miyembro ng Hamas sa isang kumalat na video sa social media.