NAGA CITY – Naaagnas at umaalingasaw na bangkay ng dalawang pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang natagpuan sa Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte.
Sa nakalap ng impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na habang nagsasagawa ng combat security patrol ang mga miyembro ng 1st Provincial Mobile Force Company, 94th Special Action Company, 9th Special Action Battalion at Philippine National Police Special Action Force ng matagpuan ng mga ito ang nasabing mga bangkay.
Sinasabing natagpuan ang nasabing mga bangkay isang kilometro ang layo mula sa lugar kung saan nangyari ang pang-aambush sa pitong miyembro ng Philippine National Police, kung saan naging dahilan ito ng pagkasawi ng limang pulis at pagkasugat naman ng dalawa pa.
Natatakpan rin umano ang mga ito ng damo at dahon ng niyog, kung kaya pinaghihinalaang inabandona ito ng kanilang mga kasamahan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, narekober sa lugar ang isang backpack na naglalaman ng wallet, cellphones at mga PNP ID na pagmamay-ari ng mga napatay na mga pulis.
Narekober din dito ang ilang piraso ng Improvised Explosive Devices (IED’s) at iba pang mga subersibong dokumento ng pinaniniwalaang mga rebeldeng grupo.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa pagkakakilanlan ng nasabing mga bangkay.