Bibigyan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga airlines ng dalawang oras na window para sa kanilang recovery at extra flights sa susunod na tatlong araw.
Pahayag ito ni MIAA General Manager Ed Monreal kasunod ng 12-hour closure ng Ninoy Aquino International Airport dahil sa epekto ng Bagyong Tisoy.
Sa isang pulong balitaan nitong araw, sinabi ni Monreal na bubuksan ang Runway 0624 mula ala-1:30 ng madaling araw hanggang alas-3:30 ng madaling araw sa Miyerkules, Disyembre 4, para sa recovery flights ng mga airlines.
“‘Yang dalawang oras na ‘yon, ‘yun po ay gagamitin namin na para ipabalik ‘yung mga eroplano, mostly local carriers na inevacuate sa ibang mga regions sa Pilipinas, maibalik nila dito” ani Monreal.
Nabatid na ngayong araw, Disyembre 3, sarado ang lahat ng terminals sa NAIA mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi dahil sa masamang lagay ng panahon.
Magmula nang inilabas ang naturang abiso, inilikas na rin ng mga carriers ang kanilang mga eroplano sa mga oustations sa ibang bansa, at papahintulutan lamang na makabalik sa Manila hub sa oras na magbukas muli ang mga operasyon sa NAIA.
“From today until the next three days, ili-lift namin ‘yung runway closure, wala ho tayo. So may extra six hours to work with ‘yung mga airlines na gusto mag-mount ng extra frequency or extra flights to recover ‘yung mga naapektuhan na pasahero,” saad ni Monreal.