Ibinunyag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na gumugulong ang imbestigasyon sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan na umano’y naging government contractor.
Kinabibilangan ito ng isang undersecretary ng hindi na pinangalanang ahensiya na naging Department of Public Works and Highways (DPWH) contractor mula noong siya ay nanumpa sa kaniyang posisyon.
Kasama rin dito ang ilang opisyal mula sa DPWH Central Office na naging proponent ng mga kuwestyunableng proyekto.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng kaniyang naunang pagbubunyag sa tuluyang pagkakatanggal ng dalawang opisyal ng DPWH matapos silang mapatunayan na kapwa contractors.
Ayon kay Leviste, ang mga ito ay may ranggong DPWH assistant secretary at Director IV at mismong si Sec. Vince Dizon ang nagdismiss sa kanila.
Naniniwala ang batang kongresista na hindi dati kilala ni Dizon ang dalawang opisyal ngunit matapos malaman ang kanilang koneksyon sa government contracts ay tuluyan din silang tinanggal.
Ang dalawang opisyal aniya ay ipinasok ni DPWH Undersecretary Arrey Perez na tuluyan na ring nag-resign mula sa naturang ahensiya.
Una nang ibinunyag ng kongresista na may ilang DPWH officials na mismong contractor habang ang iba ay may malapit na ugnayan sa malalaking government contractors, bagay na patuloy umanong nangyayari ngayon.
















