LEGAZPI CITY – Kumpiyansa ang mga otoridad na maibabalik pa sa kulungan at hindi pa nakakalabas ng bayan ang dalawang detainees na nakatakas sa custodial facility ng pulisya sa Palanas, Masbate sa kasagsagan ng pagdaan ng Bagyong Jenny sa Bicol.

Pinakilos na rin ang mga tauhan ng pulisya katuwang ang mga residente sa paghahanap kina Johnard Ramos at Sonny Boy Guzman na pawang 18-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Emerson Ecalnir, hepe ng Palanas Municipal Police Station, may mga nakarating nang impormasyon sa kanila sa dalawang lalaking sinasabing naka-short pants lamang at walang damit pang-itaas na pagala-gala.

Madulas rin umano ang mga ito sa mga otoridad lalo pa’t nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa pagnanakaw at illegal possession of firearms.

Samantala, aminado ang hepe na may pagkukulang ang dalawang bantay sa pasilidad kaya nakatakas ang mga preso.

Pinag-aaralan na rin ang kasong administratibo at kriminal na isasampa laban sa mga ito.

Una nang nabatid na tumalon ang dalawa sa pitong talampakang taas ng sinirang bintana sa likurang bahagi ng pasilidad.