Isinugod ngayong araw si dating Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. sa isang ospital mula sa kanyang kulungan sa lungsod ng Taguig.
Ito mismo ang kinumpirma ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio at ibinahagi na ang dating kogresista ay nakaranas raw ng malubhang pananakit ng tyan na siyang naging dahilan para ito’y dalhin sa pagamutan.
Sinasabing nag-umpisa umano ang kanyang iniindang matinding sakit simula pa kagabi ng madaling araw na mas lalo raw lumala nitong mag-uumaga na.
Dagdag pa ng abogado, ang kanyang kliyente ay binigyan naman ng paunang lunas ngunit aniya’y hindi umano ito naging sapat para maging maayos ang kalagayan ni Congressman Arnie Teves Jr.
Bunsod nito’y kanyang isiniwalat na ang dating kongresista ay nagmakaawa pa para lamang maidala agad sa ospital ngunit ito’y bigong pagbigyan ng mga tauhan ng kulungan dahil sa sinusunod umanong protokol.
Giit naman ng Bureau of Jail Management and Penology na kanilang natugunan naman ang medikal na pangangailangan nito sa pamamagitan ng kanilang jail nurse na siyang tumingin at nagseguro sa kalusugan niya.
Sa kasalukuyan ay ipinasok na sa emergency room ang dating kongrsista na siyang nakadetena sa Metro Manila District Jail-Annex 2 ng Camp Bagong Diwa matapos siyang mailipat kamakailan.
Kung saan matatandaan na ang kanyang kampo ay iginigiit na huwag na itong ilipat ng kustodiya mula sa detention facility ng National Bureau of Investigation.
Naniniwala kasi sila na ang dating kongresista ay isang hindi pang-ordinaryong bilanggo kasabay ng mga pangamba nito sa seguridad ng kanyang buhay.