Pinatunayan ng dalawang dating benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na kayang baguhin ng tuloy-tuloy na suporta ng gobyerno, determinasyon, at pananampalataya ang takbo ng kanilang buhay dahil sa nalalapit na panunumpa bilang mga bagong abugado.
‘Yan sina Golda Meir Piñon at Lea Leonen Rivera, na kapwa lumaki sa 4Ps, na ngayon ay matagumpay na nakapasa sa bar examinations at pormal nang papasok sa propesyon ng abogasya.
Ani soon to be Attorney Piñon, na dating isang monitored child ng 4Ps, ang pagiging abogado ay bunga ng mahabang taon ng sakripisyo at pagtitiyaga sa kabila ng kahirapan.
Inilarawan niya pa ang 4Ps bilang malaking tulong upang matustusan ang pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya at upang makapagpokus siya sa pag-aaral.
Ikinuwento rin niya na sa kabila ng kahirapan ay nanatili siyang masipag sa pag-aaral. Kalaunan, naging iskolar siya ng Expanded Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) na sumuporta sa kanyang kolehiyo.
Samantala, hindi rin naging madali ang landas ni soon to be Attorney Rivera ang mag-bar. Bilang panganay sa tatlong magkakapatid at pangunahing breadwinner ng pamilya, kinailangan niyang pagsabayin ang law school at trabaho una bilang guro sa pampublikong paaralan at kalaunan bilang call center agent.
Ayon kay Rivera ang kanyang tagumpay ay tulong ng 4Ps at iba pang programa na umalalay sa kanilang pamilya na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kabila ng kakulangan sa pera.
















