Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na nasampahan na ng dalawang bilang ng kasong pagpatay si Police Master Seargent Jonel Nuezca dahil sa pamamaril at pagpatay sa mag-inang nakaalitan nito sa Panqui, Tarlac kahapon ng hapon.
Dahil dito, hindi na umano kailangang magsagawa pa ng parallel investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) sa sa naturang insidente.
Paliwanag ng kalihim, matapos ang inquest proceedings, agad na nagsagawa ng preliminary investigation ang Office of the Provincial Prosecutor ng Tarlac at kinakitaan nito ng probable cause ang iniahing reklamo ng mga otoridad para sampahan ng two counts of murder si si Nuezca.
“The criminal informations for two counts of murder against Nuezca have been filed in court today. fyi,” ani Guevarra.
Una nang sinabi ni Guevarra na sa oras na isampa ng lokal na pulisya ang pormal na reklamo sa piskalya ay agad na itong isasalang sa preliminary investigation ng piskalya para alamin kung may probable cause sa reklamo.
Tiniyak naman ng DoJ na mahigpit na babantayan ng Justice department ang kaso laban sa pulis.
Maging ang kalihim ay nabahala sa nangyaring alitan na humantong sa pagkamatay ng dalawang katao.
Kahapon nang barilin ng pulis ang mag-inang biktimang sina Sonya Gregorio, 52 at Frank Anthony Gregorio, 25.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Tarlac police, sinasabing awayan sa lupa ang dahilan ng krimen.
Tiniyak pa ni Sec. Guevarra na makukuha ng mga biktima ang hustisya sa nangyaring krimen.
Una rito, lumalabas na mayroon na ring kinahahaeap na kasong grave misconduct at dalawang homicide cases ang suspek.
Base sa record, nasuspindi na si Nuezca noong February 2010 pero hindi nabanggit kung anong rason.
Taong 2013, naharap ito ng administrative case at nasuspindi ng isang buwan noong 2015 dahil sa pagmamatigas nitong hindi sumailalim sa drug test at iniwan ang testing area nacwalang permission/clearance mula sa National Police Commission (NAPOLCOM).
Taong 2016, kinasuhan din ito ng “serious neglect of duty” dahil sa kabiguang dumalo sa court hearing bilang prosecution witness ng isang drug case.