Umani ng matinding pagpuna ang video ni Samar Governor Sharee Ann Tan kung saan siya ay makikitang sumasayaw habang sinasabuyan ng pera sa isang testimonial dinner na ginanap sa Samar Convention Center kamakailan.
Sa naturang video, kapansin-pansin ang pag-ulan ng mga perang papel, habang masiglang nagsasayaw si Gov. Tan kasama si Hermano Mayor Ruben Panaligan.
Ayon sa mga ulat, bahagi ito ng selebrasyon kaugnay ng pista sa lalawigan.
Pero hindi ito nakalagpas sa ilang observer, lalo na’t kasalukuyang humaharap ang ilang bahagi ng Samar sa mga problema sa baha at kahirapan.
Paliwanag naman ng pamahalaang panlalawigan ng Samar, na ang kumalat na video ni Samar Gov. Tan ay kuha umano sa Hermano Night ng Catbalogan Fiesta.
Ayon sa pahayag, bahagi raw ito ng tradisyunal na “Kuratsa” na simbolo ng pagkakawanggawa at pagkakaisa ng Waray.
Dagdag pa rito, lahat umano ng nalikom mula sa nasabing pagtitipon ay ibinigay sa simbahan at mga kapilya sa Catbalogan City.
Samantala, dati nang may paalala naman ang BSP na ang hindi wastong paggamit ng salapi, gaya ng pagsasaboy nito sa mga pampublikong okasyon, ay maaaring magresulta sa multa o pagkakakulong alinsunod sa umiiral na batas.