Kinumpirma ng Philippine Coast Guard ang pagtanggal sa isang Pilipinong Chinese na negosyante mula sa kanilang Auxiliary unit dahil sa misrepresentation ng kaniyang nasyonalidad.
Ginawa ang naturang hakbang matapos na punahin ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang enlisting ng negosyanteng si Joseph Sy sa PCG Auxiliary (PCGA) na nagpanggap umanong Pilipino tulad ng sinibak na si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na napag-alamang isang Chinese at hindi Pilipino.
Ayon kay PCG Deputy Chief of Coast Guard Staff for Civil Relations Service (CG-7) Captain Lejanie Dy, agad na na-delist si Sy mula sa roster of members ng Auxiliary at pinagbawalan ang hindi awtorisadong pagpapakilala ng kaniyang sarili bilang PCGA member, magsuot ng uniporme at gamitin ang ranggo.
Base kasi sa Coast Guard -7, ang misrepresentation ni Sy ng kaniyang nasyonalidad ay seryosong paglabag sa batas, tiwala at paglabag sa mahahalagang values ng ahensiya.
Ayon sa PCG, naging bahagi si Sy ng PCGA Executive Squadron noong 2018. Hindi aniya ikinonsidera noon ang delisting kay Sy dahil nakapagpakita ito ng katibayan ng kaniyang Filipino citizenship at magandang reputasyon.
Nilinaw naman ng PCG na hindi nakikibahagi ang Auxiliary unit kung saan dating miyembro si Sy sa maritime operations at walang access sa kritikal o sensitibong mga tanggapan ng ahensiya.