NAGA CITY – Nakapagtala ng dalawang casualty ang lalawigan ng Camarines Norte habang napag-alaman na apat din ang mga nawawalang persona dahil kay Bagyong Ulysses.
Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Avelino Cabanela, 68-anyos mula sa bayan ng Daet at si Salva Mangubat, 70-anyos mula naman sa Talisay sa nasabing lalawigan.
Sa datos ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol, nabatid na natagpuan na lamang sa bubong ng kanilang bahay si Cabanela na wala ng buhay habang nadulas naman si Mangubat habang papatayo sana mula sa kaniyang higaan.
Samantala, apat naman ang naitalang nawawala kung saan kinilala ang mga ito na sina Jessy Boy Alvarez, Roland Alvarez, Bobby Roderick Masaya, at Noel Macayo.
Pumalo na rin sa walo ang mga nasugatan dahil sa epekto ni bagyong Ulysses sa naturang lalawigan kung saan kinilala naman ang mga ito na sina Glenn Isaac, Lorna Aguilar, Samson Salgado, Marvin Rojas, Rommel Madi, Hilario Vibal, Pio Paracale at Clive Paul Dichoso.
Sa ngayon, nasa 50,582 na mga pamilya o nasa 180,581 na mga indibidwal ang kasalukuyang nananatili pa rin sa mga evacuation centers.