LAOAG CITY – Naaktuhan mismo ng fire marshall ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Laoag City na nag-iinuman sa loob mismo ng kanilang istasyon.

Ayon kay Fire C/Insp. Roxanne Parado, bumalik umano siya sa station at nadatnan niya sina SFO1 Victor Apostol Caise at SFO1 Charlie Balanay Simisim na umiinom ng alak, at sinabing kukuhanan ng picture para sa kanyang report ngunit bigla umanong tumayo si Simisim at inakusahang set-up umano ito.

Pinabulaanan naman ni Parado na set-up ito dahil hindi naman siya ang bumili ng alak para sa kanila.

Nairita pa umano si Simisim at tinangka paniya umanong saktan ang fire mashall ngunit inawat ng mga ibang BFP personnel.

Bukod pa rito, nagtungo pa umano sa istasyon ang asawa ni Simisim na si Ethel Jay Alamon Simisim, kinompronta at kinuwestyon ang pagdidisiplina ni Parado sa dalawang nag-iinuman.

Inihayag pa ni Parado na nagblotter siya sa PNP-Laoag dahil nag-blotter din umano si Simisim na sinaktan siya ng fire marshall.

Samantala, bagamat hindi direktang inamin ni Ciase na nag-inuman nga sila ni Simisim ay nagsisisi umano siya at ayaw nang lumaki ang isyu.

Sasagutin at ilalahad niya lamang umano ang nangyari kung may isasagawang proper forum o imbestigasyon hinggil dito.

Sinabi naman ni Ilocos Norte Provincial Fire Marshal Supt. Floro Obrero na ito na ang ikalawang pagkakataon na naireklamo si Simisim dahil rin sa pag-inom ng alak habang nasa duty.