LAOAG CITY – Inihayag Dr. Rickson Balalio, ang pinuno ng Provincial Health Office dito sa lalawigan ng Ilocos Norte na sa bawat playing venue sa Palarong Pambansa 2025 ay may dalawang City o Municipal Health Officer ang naka-duty.
Aniya, nagsagawa na sila ng mga inisyal na pagpupulong sa lahat ng Local Government Units at hiniling sa lahat ng mga City o Municipal Health Officer na maging alerto sa gaganaping pinakamalaking multi-sport event sa buong bansa.
Sabi niya na nagkaroon sila ng deployment plan kung saan a humingi siya ng tulong sa mga iba’t ibang Local Government Units para maging handa sakaling magkaroon ng anumang problema.
Paliwanag niya na mayroong 51 na billeting areas at 41 na sporting events na gaganapin sa sampung lugar sa lalawigan.
Dagdag ni Balalio na inaasahang magbibigay din ng tulong ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Armed Forces of the Philippines, mga volunteer mula sa Philippine Red Cross, Physical Therapist mula sa Mariano Marcos State University, Northwestern University at Physical Therapy Association sa lalawigan.
Samantala, ipinaalam ni Atty. Donato Balderas, Schools Division Superintendent ng Department of Education – Schools Division of Ilocos Norte na may humigit-kumulang 15 libong delegates a dumating na dito sa Ilocos Norte para sa Palarong Pambansa 2025 na magsisimula na bukas, Mayo 24 na pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.