BUTUAN CITY – Patay na nang marekober ang isang residente ng Barangay Bayugan 3, Rosario, Agusan del Sur matapos itong malunod sa Panaraga Beach Resort, Barangay Gamut, bayan ng Barobo, Surigao del Sur, kahapon bandang alas-3 ng hapon.
Ayon sa mga nakasaksi, halos isang oras humingi ng tulong ang pamilya ng biktima ngunit walang dumating na rescuer sa nasabing dalampasigan hanggang sa dumating si Neil Joy Cortez, residente ng lugar, na siyang nakarekober sa wala nang buhay na biktima.
Sa salaysay ni Cortez, narekober niya ang bangkay ng lalaki sa lalim na dalawang dipa, humigit-kumulang 100-metro mula sa baybayin kungsaan tinulungan siya ng kanyang kasamang mangingisda upang maiangat at madala sa dalampasigan ang katawan ng biktima.
Samantala, isa naman ang nasawi, isa ang nailigtas, at isa pa ang nawawala matapos tumaob ang sinasakyan nilang kayak sa karagatan sa Pasikon Beach Resort sa Barangay Baybay, Burgos, Surigao del Norte nitong mga nagdaang araw.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), agad silang nagsagawa ng search and rescue operation matapos tumaob ang maliit na bangka noong Martes bandang alas-12:15 ng tanghali kungsaan habang sakay ang mga biktima sa iisang kayak, hinampas sila ng naglalakihang alon na naging sanhi ng pagtaob nito.
Nailigtas ng mga rescuers ng PCG ang isa, habang ang kanilang 19-anyos na kasama na residente ng Malolos City, Bulacan ay patuloy pang hinahanap.
Nagpaalala rin ang PCG sa lahat ng sasakyang-dagat sa paligid na manatiling mapagmatyag at magbantay sa karagatan upang makatulong sa paghahanap sa nawawalang biktima.
















