Matagumpay naibalik na ang suplay ng tubig sa barangay Tumana, lungsod ng Marikina matapos maputulan ng koneksyon ang mga residente nito.
Bago pa man sumapit ang mismong araw ng Pasko, napawi ang pangamba ng nasa 2,600 katao sa kinakaharap na problema sa patubig.
Nito lamang kasi ay tuluyan at napilitang putulin ng Manila Water ang koneksyon ng tubig sa naturang barangay dahil sa bigo umanong bayaran ni punong barangay Akiko Centeno ang pagkakautang.
Ngunit sa kasalukuyan, muli na itong ibinalik ng naturang water service provider matapos tuparin mabayaran ang bahagi sa lumobong utang ng barangay.
Umabot ang obligasyon ng barangay sa halagang 37-milyon piso kung kaya’t gumawa na ng aksyon maging ang lokal na pamahalaan na ng lungsod.
Alinsunod sa hiling ng alkalde na si Mayor Maan Teodoro, inaprubahan ng sanggunian panglungsod na magpasa ng ordinansa maglalaan ng pondo para sa nabanggit na obligasyon.
Kung kaya’t nang ito’y aprubado na ng konseho, agad na personal inihatid ng alkalde ang 15-milyon piso bilang kabayaran sa bahagi ng kabuuang pagkakautang.
Kaya naman nang mabayaran na, hiniling ni Mayor Teodoro na agaran maibalik na ang koneksyon ng patubig sa Barangay Tumana.
Ang water service provider ay agad na umaksyon at tumugon sa kahilingan para padaluyin muli ang su-lay ng tubig sa 13 common points sa barangay.
Personal pa itong sinaksihan nina Mayor Maan Teodoro at Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro, habang tuwang-tuwa naman ang mga residente sa naturang barangay.
Ayon naman sa ibinahagi ni Punong-Barangay Akiko Centeno, ang solusyon aniya sa isyu ay ang rehabilitasyon sa sistema.
Kung kaya’t pakiusap niya na pahintulutan ng lokal na pamahalaan ang patungkol rito.
Samantala, titiyakin raw ng alkalde ng Marikina na kanilang papanagutin ang mga responsable sa naganap na pagkakaputol sa koneksyon o suplay ng tubig sa naturang barangay.















