Naging maayos ang takbo ng unang court hearing na idinaos sa pamamagitan ng video conference.
Ayon kay P/Lt.Col. Jeffrey Bilaro, isinagawa ito sa loob ng Quezon City Police District facility, habang nasa kaniyang opisina naman si Judge Carlo Valderama ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 36.
Kalahating oras ding tumagal ang pagdinig na wala namang nakitang mga aberya.
Sa nasabing hearing ay nabasahan ng sakdal ang respondent para sa kaniyang mga kinakaharap na kaso.
Para kay Bilaro, bahagi ito ng pag-iingat upang huwag ma-expose sa iba pang tao ang bilanggo at maging ang huwes na humahawak ng kaso.
Ang lungsod ng Quezon kasi ang itinuturing na epicenter ng COVID-19 sa bansa, dahil 1,523 na ang nagpositibo sa naturang syudad, habang 121 naman ang nasawi.