Nagsumite ng isang panukalang batas si Senate Minority Leader Sen. Vicente ‘Tito’ Sotto III na siyang naglalayong amyendahan ang Party-List Act at ibalik aniya ito sa ‘original intent’ nito na maging kinatawan ng mga marginalized at underrepresented na sektor ng lipunan sa House of Representatives.
Sa isang pahayag, sinabi ni Sotto na ang interpretasyon ng batas sa mga party-list sa ngayon ay nagpalawak ng kwalipikasyon nito at nalihis sa tunay na layunin nito na siyang alinsunod sa 1987 Constitution.
Aniya, inabuso at ginamit bilang gateway ang mga partido sa kasalukuyan upang ituloy ang mga adbokasiya na hindi naman aniya para sa pinakamahusay na interes ng pamahalaan.
Sa isinumiteng panukalang batas ni Sotto layon nito na magbalangkas ng mga karagdagang batayan para sa pagkansela ng pagpaparehistro ng mga party-list group, kabilang ang kabiguan na kumatawan sa marginalized at underrepresented sectors, mga pagkakataon kung saan ang mga miyembro o nominado ay hindi nabibilang sa mga sektor na ito, direkta o hindi direktang paglahok sa mga aksyon na nakakasama sa pagpapalakas ng interes ng gobyerno, pagtigil sa pagiging marginalized na sektor, at material misrepresentation ng mga nominado.
Aniya, ang paglihis sa tamang esensiya ng party-list system ay lumilikha lamang ng higit na hindi pagkakapantay-pantay na siyang hangad na mapigilan ng mga bumuo ng konstitusyon ng bansa.
Samantala, dagdag pa ni Sotto, maraming isyu ang bumabagabag sa mga opisyal ngayon ng gobyerno kaya naman panahon na aniya para muling bisitahin ang tunay na layunijn ng mga partido sa mababang kapulungan at hindi lamang para magtago sa likod ng pagkukunwaring bahagi ng marginalized sector para sa kanilang politikal at personal na pakinabang.