Vehicular accident
Vehicular accident

TUGUEGARAO CITY – Sugatan ang 18 katao kasama ang tatlong menor-de-edad matapos sumalpok ang sinakyang pampasaherong van sa isang punong kahos sa Brgy Minganga Sur, Iguig, Cagayan.

Ayon kay Staff Sergeant Walter Lacambra ng PNP-Iguig, batay sa salaysay ng nakakita sa aksidente, pagiwang-giwang umano ang van bago sumalpok sa puno.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang lahat ng pasahero kabilang ang driver na si Job Oro na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP-Iguig.

Napag-alaman na nagmula ang van sa bayan sa Sta. Ana at papunta ito sa lungsod ng Tuguegarao.

Sinabi ni Lacambra na una umanong sumuko ang driver sa PNP-Amulung ngunit inilipat din ito sa PNP-Iguig.

Sa ngayon, kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas ang mga sugatang pasahero sa Cagayan Valley Medical Center habang patuloy na kinukuhanan ng pahayag ng kapulisan ang driver ukol sa insidente.