beauties binibining PH
Binibining Pilipinas 2019 empowerment workshop (file photo from BPCI)

VIGAN CITY – Inaasahang maraming turista ang dadayo sa lalawigan ng Ilocos Sur dahil sa promotional tourism video na gagawin ng 18 kandidata ng Binibining Pilipinas 2019 na ipapalabas sa mismong coronation night ng nasabing beauty pageant sa June 9.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Provincial Tourism Officer Ryan Astom, sinabi nito na kabilang sa 18 kandidata na nasa lalawigan ngayon ay ang official candidate ng Ilocos Sur na si Nicole Guerrero.

Ayon kay Astom, kahapon ng gabi dumating sa Vigan City ang mga kandidata kung saan nagkaroon sila ng welcome dinner sa Calle Crisologo at ngayong araw magsisimula ang kanilang pagbisita sa iba’t ibang major tourist destination sa lungsod at sa buong lalawigan.

Layon ng provincial tourism office na maipakita rin sa mga kandidata ang mga magagandang beaches sa Ilocos Sur na patok ngayong tag-init.

Sinabi ng opisyal na malaking tulong umano sa pagdami ng mga turistang bibisita sa lalawigan ang promotional tourism video na gagawin ng mga kandidata kaya titiyakin din lahat ng provincial government upang maayos ang pananatili nila sa lalawigan.

Ang first tour ng mga kandidata ay inorganisa ng Miss Universe Philippines Organization, Chavit Singson at anak na si Richelle Singson-Michael.