-- Advertisements --

Inihain ni Senador Ping Lacson ang panukalang “Parents Welfare Act of 2025” na titiyak na hindi iiwanan ng mga anak ang kanilang may edad na magulang sa kanilang oras ng pangangailangan.

Layunin ng panukala na parusahan ang mga hindi magbibigay ng suporta na kailangan ng kanilang mga magulang.

Punto ng senador, bagama’t klaro sa Family Code ang obligasyon para suportahan ang magulang, maraming may edad na magulang na hindi na kayang suportahan ang sarili ang iniiwanan ng kanilang mga anak.

Dagdag pa, ang magulang na nangangailangan ng suporta ay maaaring maghain ng petition for support sa korte para maglabas ng support order sa mga anak na hindi nagbigay ng suporta.

Dito, maaaring tumulong ang Public Attorney’s Office, at hindi na nila kailangang magbayad ng court fee.

Gayunpaman, ang mga anak na hindi makasusunod sa support order ay maaaring patawan ng levy. Kung hindi sila sumunod sa utos ng tatlong sunud-sunod na buwan ng walang dahilan, maaari silang ikulong ng isa hanggang anim na buwan, at multahan ng P100,000.

Ang inatasang mag-alaga sa magulang at iiwanan sila ay makukulong ng anim hanggang 10 taon, at mumultahan ng P300,000.